FDA, naglabas ng recall order sa mga pork products

by Radyo La Verdad | May 30, 2019 (Thursday) | 2879

METRO MANILA, Philippines – Nag-inspeksyon sa ilang pamilihan ang ilang lokal ng pamahalaan matapos maglabas ng recall order ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga pork at pork products. Ito ay kaugnay ng pagkalat ng African Swine Fever sa ilang mga bansa.

Nag-ikot ang iba’t-ibang Local Government Unit (LGU) officials sa bansa upang inspeksyunin ang mga tindahan na may mga produktong galing sa bansang apektado ng African Swine Fever.

Sa dinalupihan Bataan naman, umabot sa mahigit 800 na “Maling” ang ipinaalis ng Municipal Veterinary Office sa mga Grocery Store.

Samantala itinala at ipinatabi muna ito habang hinihintay ang mga tauhan ng Food and Drugs Administration.

Hiling naman ni Municipal Veterinarian Dr. Paul Tolentino Foronda na mabigyan sila ng kapangyarihan na magkumpiska ng mga canned products para hindi na tumagal ang mga ito sa merkado. Ganito rin ang ginawa sa Parañaque City.

Ayon naman sa isang grupo ng mga Supermarket Owners, posibleng ibalik na lamang nila ang recalled na produkto sa kanilang supplier.

Ang ibang delata na may manufacturing date bago ang import ban ng Department of Agriculture noong August 2018 ay mabibili parin sa kanilang mga tindahan.

“Yung impact na tinatanong mo sa amin yun ang mangyayari, makikipagaway nalang kami sa mga supplier namin. Kasi siyempre binili na yan binayaran na isosoli nyo pa samin. Ngayon kung meron silang ibang item di lang naman yun yung item na karga nila palit nalang swap. Edi pano naman si importer,” ani President Philippine Amalgamated Supermarket Association Steven Cua.

Ayon sa Laban Consumer, kailangang bantayan kung magkakaroon ng epekto sa iba pang mga bilihin ang Product Recall.

Pahayag naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol, hihilingin nila sa DILG na utusan ang mga LGU na tulungan ang DA at FDA sa pagkumpiska sa mga produkto at makita ang mga lalabag.

Kahapon lamang ay ipinagutos ng Food and Drug Administration o FDA ang pag-recall o pagaalis ng mga pork-based product sa merkado para maiwasang kumalat ito kung sakali mang kontaminado ng naturang sakit ng baboy.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,