Nag-iikot ang Food and Drug Administration (FDA) at National Meat Inspection Service (NMIS) sa mga planta sa bansa na nagpoproseso ng karne ng baboy.
Ayon kay Department of Health Undersecretary at FDA Officer in Charge Eric Domingo, 178 ang malalaking meat processing plant sa bansa at mahigit sa 60 na ang kanilang nasusuri na pawang negatibo naman sa African Swine Fever o ASF Virus.
“Tinitingnan natin yung kanilang mga planta tapos yung kanilang mga documents kung meron silang mga inspection at saka kung pasado sila sa lahat ng standards,” ani Usec. Eric Domingo, DOH/FDA OIC.
Nakikipag-ugnayan naman ang FDA sa Department of the Interior and Local Government upang makatuwang ang mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay sa mga palengke.
Ayon kay Usec. Domingo, mahirap matukoy kung ang isang produkto ay may ASF kaya’t mas mabuting piliin ang mga brand na rehistrado sa FDA pero wala naman aniyang dapat na ipag-alala kung nakakain ng produkto na may ASF.
“Hindi naman po ito nakakahawa ng sakit sa tao. Kaya po natin siya talaga pinipigilan kasi ayaw nating kumalat sa iba pa pong hayop sa Pilipinas,” dagdag ni Usec. Domingo.
Isa sa mga produktong gawa sa karne ng baboy na mabili sa holiday season ay ang ham.
Ayon sa presidente ng isang grupo ng Supermarkets, parating pa lamang ang supply nila ng ham subalit mas maliit ang dami nito kumpara noong nakaraang taon.
Isa sa nakikitang dahilan ng pagbababa ng order ay ang outbreak ng ASF Virus.
“What is a bit difficult to estimate right now is how much ham should we order and how much ham will people buy,” ani Steve Cua, President, Philippine Amalgamated Supermarkets Association.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: ASF, Food and Drug Administration, National Meat Inspection Service