Extension sa operating hours ng MRT-3 at LRT-2, ‘di ipatutupad ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | December 6, 2023 (Wednesday) | 2439

METRO MANILA – Hindi na palalawigin pa ng management ng MRT-3 at LRT-2 ang oras ng biyahe ng kanilang mga tren ngayong taon.

Ito ay kahit nakagawian na noong nakalipas na mga taon ang pagkakaroon ng extension sa operating hours ng mga tren tuwing holiday season kung saan inaasahan ang dagsa ng mga pasahero bunsod ng extended mall hours sa Metro Manila dahil sa holiday rush.

Paliwanag ng pamunuan ng MRT-3 hindi na nila kakayanin na mag-extend pa ng oras ng biyahe ngayong holiday season dahil maapektuhan nito ang oras na nakalaan para sa maitenance ng mga tren.

Ayon kay MRT-3 Officer-In-Charge at General Manager Assistant Secretary Jorjette Aquino, kung tutuusin ay kulang pa aniya ang 5 oras na window hours mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga para sa maintenance ng mga tren.

Gayunman, pinag-aaralan aniya ng MRT-3 na magpatupad ng libreng sakay sa December 25

Samantala, ipinahayag ni Light Rail Transit Authority Administrator Atty. Hernando Cabrera na hindi rin sila magpapatupad ng extension sa operating hours ng LRT-2 sa holiday season gaya sa mga nakalipas na taon.

Tags: , , ,