Executive order upang opisyal na palitan ang pangalan ng Benham Rise, nilagdaan na ni Pres. Duterte

by Radyo La Verdad | May 23, 2017 (Tuesday) | 2766


Sa pamamagitan ng Executive Order Number 25 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 16, opisyal nang pinalitan ng Philippine Rise ang pangalan ng Benham Rise.

Ito ay upang bigyang diin ang kapangyarihan o sovereignty ng Pilipinas sa naturang undersea feature.

Ang Philippine Rise ay nasa 24 na milyong ektarya ang laki at kinikilalang kabilang sa exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas batay sa international law.

Dahil sa EO 25, papalitan na ng Philippine Rise ang Benham Rise sa mga local, international maps at charts.

Ang Department of Foreign Affairs sa pakikipag-ugnayan sa National Mapping and Resource Information Authority o NAMRIA ang responsableng magparating ng naturang impormasyon sa mga concerned international organizations.

Samantala, magtutulungan naman ang Biodiversity Management Bureau ng DENR at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang magplano sa pagtatayo ng istruktura Philippine Rise.

Noong nakaraang taon ay nagsagawa na ng exploration ang pamahalaan sa lugar kasama ng ilang NGO.

Ayon naman kay Senator Loren Legarda ng Senate Committee on Climate Change, patuloy niyang paglalaanan ng pondo ang pag-aaral sa mga yaman sa lugar.

(Rey Pelayo)

Tags: , , ,