Maglalabas ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte para magkaroon ng guidelines at mapabilis ang pag-usad ng land reform program sa isla ng Boracay.
Ayon kay Department of Agrarian Reform Sec. Atty. John Castriciones, naipresenta na nila sa Office of the Cabinet Secretary ang panukalang guidelines para sa pamamahagi ng lupa sa naturang isla.
Ipinaliwanag ng kalihim na nais ng pangulo ang agarang pamamahagi ng mga lupa sa isla ng Boracay kaya’t kailangang tanggalin ang mga iligal na istruktura doon. Kasalukuyan na silang nagsasagawa ng survey, inspection, at farmer identification sa isla.
Tinatayang dalawampu’t limang ektaryang lupain ang pakikinabangan ng mga magsasaka na mga katutubong Ati para mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga ito.
Samantala, ibinahagi ng kalihim na mayroon silang abot kayang pabahay na iniiaalok sa mga magsasaka.
Makukuha aniya ito sa mas mababang halaga na babayaran sa loob ng tatlumpung taon katuwang ang iba pang ahensya tulad ng Pag-IBIG at Landbank.
Tinatayang aabot sa 2.8 milyong magsasaka ang makikinabang dito.
Ayon kay Castriciones, walang maraming papeles na kailangan, ipakita lamang ng mga magsasaka ang income mula sa kanilang ani para mapakinabangan ang nasabing programa.
( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )
Tags: Boracay, DAR Sec. Castriciones, Malacañang