EXCLUSIVE: Daan-daang panabong na manok, nasabat sa NAIA

by Jeck Deocampo | October 17, 2018 (Wednesday) | 13222

PARAÑAQUE, Philippines – Isang source ng UNTV News ang nagpadala ng mga larawang ng mga kahon na naglalaman ng mga panabong na manok na inangkat mula sa California, USA.

 

Ayon sa source, iligal ang pagpasok ng mga ito sa bansa dahil peke ang ginamit na dokumento gaya ng import clearance at wala ring health certificate mula sa US Department of Agriculture.

 

Dumating aniya ang unang shipment nito lamang October 9 na naglalaman ng 168 buhay na manok at nailabas umano ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport. Ang pangalawang shipment naman na may 144 na buhay na manok ay dumating noong October 10 pero hanggang sa ngayon ay nasa isang import warehouse pa sa NAIA.

 

Nangangamba ang source dahil posible umanong infected ang mga ito ng Newcastle disease o NCD dahil may outbreak ngayon ng naturang sakit sa Southern California. Ginagamit pa umano ng broker ang pangalan ni Agriculture Secretary Manny Piñol para mailabas ang mga shipment dahil malapit umano ito sa kalihim.

 

Ayon naman kay Secretary Piñol, agad niyang ipinaharang ang shipment nang makarating sa kanya ang impormasyon.

 

“Sabi ko pasensya ka na pero hindi lulusot ito. Kasi ‘pag kulang ang papeles mo, maski kaibigan pa kita talagang hindi pupuwedeng lumusot,” pahayag ni Piñol.

 

Ayon sa opisyal, 80 manok lamang ang nailabas sa NAIA at may kaukulang dokumento ang mga ito. Ang naharang na shipment naman aniya ay naglalaman ng 300 buhay na manok.

 

Batay aniya sa batas, binibigyan ng10 araw ang mga importer para ipakita ang mga kaukulang dokumento. Ngunit ipinagutos na rin ng kalihim ang pagpatay sa mga manok.

 

I issued another order, banning altogether the shipment of chicken coming from California shipped through either San Francisco or Los Angeles. And that will stay until such time that USDA has issued a clearance na wala nang NCD outbreak sa California.”

 

Pinag-aaralan na rin ng DA kung ano ang parusa o penalty na ipapataw sa nag-angkat ng panabong na manok. Pinaiimbestigahan din ngayon ng DA kung may mga nauna pang insidente ng posibleng pamemeke ng mga health certificate dahil maari itong magdulot ng panganib sa poultry industry sa bansa.

 

Ayon kay Secretary Piñol, “Hindi ako maaaring magbigay ng pabor sa isang kaibigan (na) maski mali na pwede kong pagbigyan sapagkat meron akong mas malaking responsibilidad. Meron akong responsibilidad sa mga kaibigan ko pero mas malaki yung responsibilidad ko sa taumbayan.”

 

(Rey Pelayo/ UNTV News)

Tags: , , , , , , ,