Ex-NHA chief, itinuro ang mga contractor na responsable sa mga substandard na mga pabahay ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | May 22, 2018 (Tuesday) | 4870

Inimbestigahan kahapon ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement ang estado ng mga pabahay ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng mga nakaraaang kalamidad.

Ayon kay Committee Chairman Senator Joseph Victor Ejercito, umaabot pa ng halos limang taon mula nang mangyari ang sakuna o kalamidad bago maibigay ang pabahay sa mga benepisyaryo.

Reklamo ng Zamboanga Local Government Unit, bukod sa pagkaantala ay mababa rin ang kalidad ng mga pabahay para sa mga naapektuhan ng Zamboanga siege noong 2013.

Paliwanag ng dating general manager ng National Housing Authority (NHA) na si Chito Cruz, kasalanan umano ito ng mga kontraktor. Ngunit hindi kumbinsido ang ilang senador sa paliwanag ng dating NHA chief.

Paliwanag naman ng kasalukuyang pinuno ng NHA, problema rin sa paglalabas ng budget ang dahilan kaya naantala ang ilang housing projects tulad ng sa Yolanda stricken areas.

Sa ngayon ayon sa NHA, gumawa na aniya sila ng mga bagong disenyo para sa mataas na kalidad ng mga pabahay ng pamahalaan.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,