Eroplano ni US First Lady Melania Trump, ligtas na nakalapag matapos ang isang technical problem

by Radyo La Verdad | October 18, 2018 (Thursday) | 1049

Nagkaroon ng bahagyang delay sa pagbisita ni US First Lady Melania Trump sa Philadelpia matapos na magkaroon ng umano’y minor technical difficulty sa sinasakyan nitong eroplano.

Labinlimang minuto pa lamang mula ng magtake-off sa Joint Base Andrews military facility sa Maryland ang eroplano nang bigla umanong mapuno ng usok ang cabin ng eroplano. Nakaamoy rin ang mga sakay nito na tila may nasusunog.

Ayon sa ilang reporter na sakay ng eroplano, binigyan ang mga sakay ng wet towel upang ipantakip sa kanilang ilong dahil sa matinding amoy at makapal na usok.

Nakabalik naman ng ligtas sa Joint Base Andrews ang eroplano at agad na nagdeplane ang mga sakay nito bandang alas nuebe ng umaga.

Natuloy naman ang byahe ng first lady matapos itong mailipat sa ibang eroplano.

Patungo si Trump sa Thomas Jefferson University Hospital sa Philadelphia upang dalawin ang mga biktima ng opiod overuse sa lugar.

Sa isang interview sa FOX News ay sinabi ni US President Donald Trump na nakausap niya ang first lady ilang minuto matapos itong magdeplane at sinabi na lumipat ito ng ibang eroplano.

 

Tags: , ,