Epekto ng mahal na edukasyon sa mga estudyante, ikinaalarma ni Senator Chiz Escudero

by Radyo La Verdad | February 17, 2016 (Wednesday) | 1815

BRYAN_ESCUDERO
Ikinalungkot ni Sen. Chiz Escudero ang pagkamatay ng isang estudyante mula Bicol na umano’y winakasan ang sariling buhay matapos matanggalan ng scholarship. Aniya, wala sanang magaaral ang nalalagay sa ganitong sitwasyon kung hindi sobrang mahal ang edukasyon sa bansa.

Ayon sa mga ulat, nagpatiwakal si Jessiven Lagatic na isang fourth year student sa Central Bicol State University of Agriculture nitong Pebrero 11, makaraang mawala ang kanyang scholarship at ipasagot sa kanya ang mga gastusin sa pamantasan na nagkakalahaga ng P7,000.00.

Ayon sa senador, kung libre lang aniya ang edukasyon sa bansa, walang estudyanteng kikitilin ang kaniyang buhay dahil sa wala itong pambayad ng matrikula.

Sa pahayag na inilabas ng League of Filipino Students (LFS), ang nangyari kay Lagatic ang ikalimang kaso ng estudyante na nagpatiwakal sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil nahihirapan sila sa mga gastusin sa pag-aaral.

Kaugnay nito, ipinangako ng senador na sa ilalim ng kanilang tambalan ni presidential aspirant Senator Grace Poe, ay kanilang pag-iibayuhin ang implementasyon ng Republic Act No. 10687 o Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Act (UniFAST) na naisabatas noong Oktubre 2015.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,