Epekto ng El Niño sa bansa, posibleng tumagal pa hanggang sa 2020 – PAGASA

by Erika Endraca | June 27, 2019 (Thursday) | 28584

MANILA, Philippines – Posibleng umabot pa sa susunod na taon mararanasan ang epekto ng El Niño sa bansa base sa pinakahuling pagtaya ng PAGASA.

Pero 9-13 na bagyo naman ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility hanggang Disyembre.

Malaki ang posibilidad na tumama sa bansa ang mga mabubuong bagyo sa mga buwan ng Oktubre, Nobyermbre at Disyembre.

Mahalaga ang mga bagyo lalo na sa Metro Manila dahil dito nanggagaling ang 50 porsiyento ng ginagamit nating tubig.

Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam na siyang pinagkukunan ng 96% ng supply ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

“Makikita po natin dito na noong 18 July 2010, bumaba po siya ng pinaka mababa na 157.56 meters. Tapos noong 20 July 2014, nakapagtala tayo ng 162.74 meters. At sa ngayon nga po ang lebel ng tubig natin ngayong 26th june ay nasa 158.4 meters.” Ani PAGASA Hydrologist Sonia Serrano.

Ayon sa PAGASA, hanggang agosto ay malaki ang posibilidad na may epekto parin ang El Niño sa bansa subalit posibleng tumagal ito hanggang sa unang bahagi ng 2020.

Pero nakikita naman nilang tataas na ang lebel ng Angat Dam sa mga susunod na buwan.

“Aabot pa ng July at August, ‘yung pagtaas sa operating level. So hindi natin siya nakikita na biglang tataas, exept kung merong bagyo na talagang tatama, dadaan at magbubuhos ng ulan doon mismo sa Angat Dam.” Ani PAGASA Weather Division Weather Services Chief Esperanza Cayanan.

‘Gusto nating ma-rearch yung 180-meter level na normal operating level ng Angat Dam ang kinakailangan po natin ay nasa 365mm of rainfall,” ani PAGASA Hydrologist Sonia Serrano.

Samantala, halos nasa 70 meters na ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam na isa sa pinagkukunan ng tubig ng Manila Water.

“Ang nagiging problema dito dahil sa katagalan hindi nagamit yung intake na yun medyo maburak. So yun yung isyu ngayon parang concern nila kasi oras na buksan nila yun sasama yung buhangin pababa. So apektado yung quality ng tubig na susuply sa Metro Manila.” Ayon kay PAGASA Hydro-Meteorology Division Weather Services Chief Roy A. Badilla.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,