Employers Confederation of the Philippines, nangakong magreregular ng mahigit 300,000 manggagawa ngayong taon – Bello

by Radyo La Verdad | August 15, 2018 (Wednesday) | 2977

Suportado ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang kautusan ni Pagulong Duterte na mawasakan ang endo sa bansa.

Ito ang ibinalita ni Labor Sec. Silvestre Bello III sa programang Get it Straight with Daniel Razon.

Ayon kay Bello, nangako ang ECOP na marami sa sakop nilang business organizations ang magreregular ng kanilang mga manggagawa.

Isang kasunduan ang lalagdaan ng DOLE at ECOP upang kaagad na matupad ang pangakong regularisasyon bago matapos taon.

Ang ECOP ang nagsisilbing umbrella organization ng mga business community sa bansa, kabilang dito ang Hotel and Restaurant Association of the Phippines, Chinese-Filipino Businessmen at ang Philippine Chamber of Commerce and Industry.

Miyembro din ng ECOP ang giant companies na SM Retail Inc. at ang Jollibee Foods Corporation.

Aminado naman ang kalihim na kulang ang kanilang 584 labor law compliance officers upang tapusin ang inspeksyunin sa natitirang mahigitt walong daang libo pang business establishments.

Simula ng atasan sila ng Pangulong Duterte na simulan ang inspeksyon noong Mayo, nasa 99,000 pa lang ang kanilang natatapos mula sa kabuoang 900,000 na mga establisyemento.

Hinihikayat ngayon ng DOLE ang mga mangagawa na maging volunteer at sumailalim sa isang training upang makatulong sa kanilang inspeksyon habang wala pang pondong inaaprubahan ang Kongreso para sa pagkuha ng mga bagong labor law compliance officers.

Naninindigan naman si Labor Sec. Silvestre Bello III na malinis ang kaniyang konsensya at hindi totoo ang mga ibinbintang sa kaniyang isyu ng korupsyon, extortion at paniningil sa mga OFW kapalit ng iDOLE card.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,