Embahada ng Pilipinas sa Russia, hinikayat ang mga OFW na magparehistro na para sa 2019 midterm national elections

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 10344

Tumaas ang bilang ng mga nagpaparehistrong Pilipinong botante sa Russia ayon sa datos ng Philippine Embassy dahil nadadagdagan din ang mga Pilipinong naghahanap-buhay sa nasabing bansa.

Ayon kay Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta, para sa  2016 national elections,  2,758 ang nagparehistro samantalang nasa 1, 078 ang nakaboto.

Sa dalawang unang voters’ registrations na isinagawa ng embahada ngayong Setyembre, nasa 500 na ang nagparehistro.

Kabilang sa mga nakapagparehistro ay ang OFW na sina Earl Lynne at Jenette na ilang buwan nang naghahanap-buhay sa Russia at hindi nakalahok sa nakalipas na May 2016 national elections.

Ayon naman kay Ambassador Sorreta, maaaring magparehistro ang mga kababayang hindi nakaboto sa nakalipas na tatlong eleksyon.

Hinikayat nito ang mga mamamayang Pilipinong makilahok sa pagpili ng mga susunod na manunungkulan sa pamahalaan.

Dagdag pa ng embahada ng bansa sa Russia, mas maraming Pilipino ngayon ang interesadong sumali sa political process sa bansa at marinig ang kanilang boses sa pagpili ng mga lider sa Pilipinas.

Samantala, sa araw ng Linggo, ika-30 ng Setyembre, mula alas-dose ng tanghali hanggang alas-kwatro ng hapon sa Philippine Embassy sa Moscow ang huling pagkakataon para sa mga Pilipino sa Russia na makapagparehistro para sa overseas voters’ registration.

 

( Catherine Martinez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,