Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, nakikipag-ugnayan na sa mga employer ng 14 na Pilipinong nasawi sa isang aksidente sa Saudi Arabia

by Radyo La Verdad | November 19, 2015 (Thursday) | 2239

maybelle_patay
Nakikipagugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa employer ng labing apat na Overseas Filipino Workers na nasawi sa isang aksidente sa Al Ahsa Hofuf Saudi Arabia kahapon.

Bukod sa mga nasawi may ilang Pilipino rin na nasugatan sa aksidente.

Sa inisyal na imbestigasyon papauwi na mula sa kanilang worksite ang mga OFW lulan ng isang coaster ng salpukin ito ng isang delivery truck sa Uthmaniya-Haradh road.

Lulan ng coaster ang 26 na Pilipino at isang Pakistani.

Nagta-trabaho ang mga ofw sa Saudi Arabia Kentz isang contracting and engineering company.

Ayon sa ulat dinala ang mga sugatan sa King Fahad hospital.

Ilan sa nasugatan ay nasa intensive care unit.

Ayon kay Department of Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose patuloy ang kanilang pangangalap ng impormasyon ukol sa aksidente.

Patuloy rin ang pag-assiste ng kompanyang pinagta-trabahuhan ng mga biktima.

Hindi pa naman ibinibigay ng mga otoridad ang pangalan ng mga biktima dahil kailangan pang ma-abisuhan ang kanilang mga pamilya.(Maybelle Razon/UNTV Correspondent)

Tags: , ,