El niño phenomenon, nasa strong stage na – Pagasa

by Radyo La Verdad | September 10, 2015 (Thursday) | 1535

EL-NINO
Lalo pang umiinit ang temperatura sa dagat Pasipiko.

Ayon sa Pagasa, nasa strong stage na ngayon ang umiiral na el niño phenomenon at posibleng lalo pa itong tumindi bago matapos ang taong 2015.

Posibleng maihanay ang kasalukuyang el niño phenomenon sa mga naganap na noong 1972 to 73, 1982 to 83 at 1997 to 98

Sa susunod na mga buwan ay mas malaki ang mababawas sa dami ng ulan na maaaring maranasan ngayong taon.

Nasa 70 lalawigan ang posibleng makaranas ng tagtuyot bago matapos ang 2015 kabilang na ang mga pangunahing pinaggagalingan ng supply ng palay o rice granaries ng bansa gaya ng Isabela, Mindoro, Quezon, Albay, Aklan, Antique, Iloilo, South Cotabato, Sultan Kudarat at Zamboanga.

Kaya naman nagpasya na ang National Food Authority na umangkat ng 250 thousand metric tons ng bigas na idedeliver bago matapos ang taon.

Ayon kay NFA Spokesperson Angel Imperial, magsisilbi itong reserba ng bansa kung sakali mang mapinsala ng tagtuyot ang mga palayan.

Noong taong 1997-98 kung kailan naitala ang pinakamalakas na epekto ng el niño sa bansa ay nabawasan ng 24% ang produksyon ng palay.

Inaprubahan narin ng Food Security Council ang importasyon ng panibagong 500 libong metriko tonelada ng bigas na idedeliver naman sa unang bahagi ng 2016.

Ito’y para naman mapunan ang posibleng maging kakulangan ng produksyon ng bigas sa susunod na taon.

Ngayon pa lamang ay nakikipagnegosasyon na ang pamahalaan sa importasyon habang mababa pa ang presyo dahil posible tumaas ang halaga nitosa world market dahil sa el niño. ( Rey Pelayo / UNTV News)

Tags: , ,