METRO MANILA – Nakatakdang maglabas ng El Niño alert ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga susunod na araw.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Solis bunsod ito ng pagtaas ng tiyansa na maransan ang El Niño sa bansa.
Dagdag pa ng pag-asa, posibleng tumagal ang El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Isa sa naranasang matinding tama ng El Niño sa bansa ay noong 2009-2010.
Pero bago maramdaman ang epekto ng El Niño sa bansa sa huling bahagi ng 2023 ay magkakaroon muna ng malalakas na pag-ulan dala ng habagat.
Kapag bumaba na sa minimum operating level ang dam, pinakaunang puputulan ng alokasyon ng tubig ang para sa irigasyon, base ito sa protocol ng National Water Resources Board (NWRB).
Kahapon (April 24) ng umaga ay nasa 195.99 meters pa ang lebel ng Angat dam, nasa 180 meters ang minimum operating level nito.
Pero ayon sa National Irrigation Administration at Bureau of Plant Industry, may mga pananim naman pwedeng ipalit sa palay na maaaring makatagal kahit kakaunti ang tubig.
Iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo sa El Niño Task Force para makapaghanda ang kaukulang mga ahensya ng pamahalaan sa magiging epekto ng matinding El Niño sa bansa.
(Rey Pelayo | UNTV News)