Ekonomiya ng Pilipinas, hindi masyadong maaapektuhan kung tumaas man ang kaso ng COVID-19 – Economist

by Erika Endraca | July 21, 2021 (Wednesday) | 1054

METRO MANILA – Nagbabala ang Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatupad ito ng mas mahigpit na restriksyon kapag tumaas ang kaso ng COVID-19 ngayong may naitala nang local case ng Delta variant sa bansa.

Ang banta ng Delta variant ang dahilan kaya hiniling ng Metro Manila Council sa Inter Agency Task Force na muling ibalik ang pagbabawal sa mga menor de edad na lumabas ng bahay.

Ayon sa ekonomistang si Professor Ronilo Balbieran, mauudlot ang pagbangon ng ekonomiya kapag nangyari ito.

“Yang mga anak natin ang nagiging dahilan kung bakit tayo gumagastos ng actually mas malaki. At kailangang-kailangan ng ekonomiya na natin yan yung paggastos ng malaki ng bawat pamilya” ani Economist Prof. Ronilo Balbieran.

Gayunpaman kung maaapektuhan man aniya ang ekonomiya ay hindi na ito magiging katulad noong nakaraang taon kung saan nasa P2-Trillion ang halaga ng nalugi.

“Hindi pa talaga nito maaapektuhan yung ekonomiya natin kasi dapa na nga tayo to begin with. So parang wala na tayong idadapa sa pagkakadapa nitong ating ekonomiya” ani Economist Prof. Ronilo Balbieran.

Kung makakaroon man ng pagdami ng kaso aniya ay makaisip sana ng paraan na maingatan ang publiko nang hindi nagpapatupad ng malawakang lockdown.

Hinikayat din nito ang pribadong sektor at gobyerno na magtulungan para sa programa sa pagbabakuna.

Inirekomenda rin ni Balbieran na dagdagan pa ang pondo para sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Dapat aniyang masamantala na ang paggawa ng mga imprastraktura para kung matapos na ang pandemya ay makaka-akit naman ito ng maraming turista.

“Ang nagagawa mo doon nagkakaroon ka agad ng mga trabaho, nagkakaroon ka ng kita, napapaikot mo yung ekonomiya pero at the same time you are making sure na kapagka nag lakuwartsa tayong lahat at dumating ang mga foreign tourist, hindi tayo mako-conjest” ani Economist Prof. Ronilo Balbieran.

Pabor din ang ekonomista sa pagpapasa ng Bayanihan 3 para tulungan ang mga naapektuhan ng pendemya.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,