METRO MANILA – Isinusulong na ibaba sa 56 years old mula 60 ang minimum age requirement para sa mga senior citizen sa bansa sa ilalim ng Senate Bill 1573 ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ito aniya ay upang maagang maka avail ang mga Pilipino ng mga benepisyo para sa mga senior citizen.
Ilan sa benepisyong natatanggap ng isang senior citizen ang exemption sa pagbabayad ng individual income tax.
Discounts mula sa pagbile ng gamot, pagsakay ng pampublikong sasakyan, pagbile ng pagkain at kung ano-ano pa.
Libre din ang medical at dental services ng mga senior sa mga government facilities.
Para sa ekonomista na si Dr. Carlos Manapat, sakaling maisabatas ito lalaki ang consumption ng senior citizens habang darami naman ang ilalabas na pera ng gobyerno. Kaya ang malaking tanong aniya dito, may pondo ba ang gobyerno para matustusan ito.
Mas malaking budget din ang kakailanganin ng gobyerno dahil tiyak na madaragdagan ang mahihirap na senior citizens na binibigyan ng P500 na buwanang pension. Sa ngayon, nasa P26-B ang budget ng gobyerno para dito.
Para naman sa presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na si Sergio Ortiz, hindi niya nakikita ang logical basis ng nasabing panukala.
Ayon naman kay Office for the Senior Citizens’ Affairs Quezon City Officer-In-Charge Atty. Bayani Hipol, kahit wala pa sa edad 60 ay marami ng mga Pilipinong nagbabakasaling makakuha ng senior citizen ID.
Para sa kaniya, kailangan ding balansehin ang panukala sa inaasahang malaking epekto nito sa mga negosyo na sa mga maliliit na establisyimento na di pa tuluyang nakababangon sa epekto ng pandemya.
(Bernadette Tinoy | UNTV News)
Tags: Age, Senior Citizens