Edukasyon at infrastructure projects, may pinakamalaking alokasyon sa proposed 2018 nat’l budget

by Radyo La Verdad | July 27, 2017 (Thursday) | 5134


Naiendorso na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.

Sa 3.767 trillion pesos na kabuaang proposed national budget, ang may pinakamalaking alokasyon ay ang education sector at infrastructure development.

691.1 billion pesos ang panukalang budget para sa DEPED, CHED, at State Universities and Colleges. Ang DPWH naman ay may 643.3 billion pesos.

1.097 trillion pesos ang inilalaan ng pamahalaan para sa build, build, build program ng pamahalaan.

Inaasahang pagbubutihin nito ang mobility, connectivity sa bansa at makapagtatayo ng moderno at matipid na transport system para sa publiko.

Malaking bahagi ng proposed budget ng dilg ang nakalaan sa law enforcement operations kontra kriminalidad at iligal na droga at 900 milyong piso rito para sa oplan double barrel reloaded.

Sa 164.3 billion pesos naman na inilaan sa DOH, 57.1 billion pesos ang ilalaan sa National Health Insurance program para sa mga may low income, informal sector, senior citizens at Bangsamoro families.

Naglaan din ang pamahalaan ng karagdagang 25.7 billion pesos na pondo para sa conditional cash transfer program ng pamahalaan na posibleng makuha kapag naipasa na ang tax reform package.

Samantala, inaasahan din ni Sec. Diokno na maipapasa ang panukalang batas hinggil sa rightsizing ng mga ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng executive branch ngayong taon.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,