Eastern Samar niyanig naman ng 6.5 magnitude na lindol

by Erika Endraca | April 24, 2019 (Wednesday) | 5586

Eastern, Samar – Matapos ang magnitude  6.1 na lindol sa Luzon nitong Lunes, niyanig naman ng magnitude 6.5 na lindol ang san Julian Eastern Samar nitong Martes ng 1:37 ng hapon.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang epicenter nito sa layong 19 kilometers Northwest ng bayan ng San Julian.

Tectonic umano ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 17 kilometero. Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum na walang banta ng tsunami dahil sa lupa tumama ang lindol. Wala ring kinalaman ang lindol sa Eastern Samar sa 6.1 lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Luzon, ayon kay Solidum.

Naunang iulat ng PHIVOLCS na may magnitude 6.2 ang lindol sa Eastern Samar pero itinaas din sa 6.5. Naramdaman ang intensity 5 sa Tacloban City at Catbalogan City sa Samar.

Intensity 4 naman sa Masbate City, Legazpi City at Sorsogon City. Naranasan naman ang intensity 3 sa Binalbagan, Negros Occidental; Cabalian, Southern Leyte; Dimasalang, Masbate; Butuan city; at Cabadbaran City.

Bago city at Bacolod city naman ang nakaramdam ng intensity 2, ayon sa PHIVOLCS. Samantala, nawalan ng kuryente ang ilang lugar sa Samar partikular sa Northern, Eastern at Western Samar matapos tumama ang 6.5 magnitude na lindol.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), patuloy pa nilang ina-assess kung naging malaki ang pinsala sa mga transmission facilities sa naturang lugar.

Maglulunsad naman ng aerial at foot patrol ang NGCP para mabilis matukoy ang problema at maibalik sa lalong madaling panahon ang supply ng kuryente sa mga nabanggit na lugar.

(Jennelyn Gaquit | UNTV News)

Tags: ,