Duterte, hindi hihingi ng paumanhin kaugnay ng pahayag sa household helper – Malacañang

by Jeck Deocampo | January 4, 2019 (Friday) | 11256
Photo: PCOO Facebook Page

METRO MANILA, Philippines – Nanindigan ang Malacañang na hindi mahalay ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kaniyang ginawa umano sa kanilang kasambahay noon.

Nais lamang umano ng Pangulo na ipakita ang inasal ng mapang-abusong pari sa kaniya na namimilit makarinig ng pagkakasala sa mga katulad niyang high school student noon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, ang mga kritiko lamang at ang umano’y mga ‘ultraconservative’ na indibidwal ang naghahanap ng mali sa mga sinabi ng Pangulo.

Unang-una, hindi naman mahalay ‘yung kwento niya. Nagtatawanan nga eh. Alam mo, ‘pag mahalay, ang reaksyon ng audience ay masama. Magagalit sa kaniya. Hindi ‘yung magtatawanan kasi magaling siya dun.

Kasi napakagaling ng Presidente na gumawa ng mga kwento, mga kathang kwento, kwento na nangyari. Pero ini-exaggerate niya para lang ma-tone down yung bigat ng mensahe para mas madaling tanggapin,aniya.

Sa kabilang banda, ilang samahan ng mga kababaihan at maging mga grupo ng domestic helper ang nainsulto sa ginawang pahayag ng Pangulo.

Nangangamba rin ang mga ito na posibleng magbunga ng mas matinding pang-aabuso sa mga kasambahay sa loob at labas ng bansa dahil sa kwento ng Punong Ehekutibo.

Subalit, walang balak humingi ng paumanhin ang Pangulo dahil sinadya ang kaniyang naging pahayag upang maibulgar ang pagpapaimbabaw ng ilang lider ng simbahan.

Sinadya niya nga ‘yun kagaya ng sinasabi niya that was intentionally made. It was a concocted story to dramatize the hypocrisy of a particular man in cloak,” ani Secretary Panelo.

Hindi rin aniya nangangamba ang Punong Ehekutibo kung mabawasan man ang mga taga-suporta niya, maihayag lamang nang malinaw ang hipokresiya ng simbahan.

Asahan na rin aniya ang patuloy na pagbibitiw ng mga kontrobersyal na pahayag sa ilalim ng administrasyon ni pangulong duterte.

Hirit pa ng tagapagsalita ng Malacañang, “if you notice the President has been doing that, even during the campaign, and that has been very effective on the listeners. Klaro rin ang mensahe kaya sa tingin ko, he will not stop in doing this. Kasi nakikita niyang effective, naiintidihan siya.”

(Rosalie Cos | UNTV News)

Tags: , , , , , ,