Duterte, hihilingin sa Kongreso na palawigin ng isa pang taon ang martial law sa Mindanao

by Radyo La Verdad | December 11, 2017 (Monday) | 3438

Nagsumite noong nakaraang linggo ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng martial law sa Mindanao.

Kapwa pabor ang mga ito na palawigin pa ang batas militar sa rehiyon sa halip na tapusin ito hanggang sa nakatakda nitong termino ngayong katapusan ng taon.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea na hihilingin sa Kongreso ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang umiiral na martial law.

Batay sa text message ni Sec. Medialdea, pirmado na ang sulat na ito ng punong ehekutibo at isusumite na lamang sa Kongreso.

Una nang sinabi ng AFP na kakailanganin pa ang batas militar sa Mindanao dahil sa ulat ng pagsasama-sama ng mga natitirang miyembro ng Maute, Abu Sayyaf Group at iba pang teroristang grupo.

Gayundin ang patuloy at mas matinding karahasan na ginagawa ng mga miyembro ng New People’s Army.

Una namang nagpahayag ng pagtutol ang mga oposisyon ng administrasyon at sinasabing makakahadlang ang extension ng martial rule sa pagbalik ng mga Marawi residents sa kanilang mga bahay.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,