Simula ngayon, ang mga residente ng Dubai ay makakatanggap na ng paalala mula sa Dubai Electricity and Water Authority (DEWA) sakaling mayroon silang makitang iregular na pagtaas ng konsumo na maaaring dulot ng pagtagas ng tubig.
Ang problemang ito ay madalas na nararanasan ng ilang mga komunidad sa Dubai, kung saan nakaabot na sa social media ang mga hinaing ng mga residente.
HIndi naman nagkulang ang DEWA sa pagpapaalala na palaging suriin ang mga water facility sa kani-kaniyang tahanan upang maiwasan ang ganitong mga suliranin.
Ang isang tagas sa palikuran ay nangangahulugan ng tinatayang 200 galon ng tubig na nasasayang araw-araw.
Ilang overseas Filipino workers (OFW) sa Dubai ang nakaranas na rin ng ‘di pangkaraniwang pagtaas ng konsumo sa tubig dahil sa water leakage.
Upang matulungan ang mga residente, makatatanggap sila ng high water usage alert mula sa DEWA bilang pagbibigay impormasyon sa nakonsumo nilang tubig sa nakalipas na 48 oras, kung ito ba ay higit na sa pangkaraniwang pang araw-araw na konsumo nila sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang paalalang ito ay patuloy na matatanggap ng residente tuwing 15 araw sa loob ng 3 buwan.
Ang hindi pagtugon sa paalala na ito pagkatapos ng tatlong buwan ay nangangahulugan na ito na ang pangkaraniwang konsumo ng isang household.
Pinapayuhan ang mga residente na siguruhing tama ang kanilang mga personal na impormasyong nakarehistro sa DEWA upang matanggap nila ang mga paalala na ito.
( Bong Cabuhat / UNTV Correspondent )
Tags: DEWA, Dubai authorities, OFW
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com