DOLE, naglaan ng karagdagang P30M pondo para sa apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon

by Radyo La Verdad | February 9, 2018 (Friday) | 2586

Pinagungunahan ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang pagbibigay ng sahod sa ilang evacuees sa Albay na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon. Ang mga ito ay ang benepisyaryo ng Emergency Employment Program ng DOLE.

Sa ilalim ng tulong pangkabuhayan para sa mga displaced workers o TUPAD Program, ang mga evacuees na maglilinis at magtatanim sa mga paaralan o evacuation centers sa Albay ay kikita ng 290 pesos kada araw.

Kahapon, nagkaloob pa ng karagdagang P30 milyong pisong pondo ang DOLE para naman sa livelihood program ng mga nakabalik ng evacuee sa kanilang mga lugar sa labas ng 8 kilometer extended danger zone.

Bukod pa ito sa nauna nang 30 milyong pisong inisyal na pondong inilaan ng DOLE para naman sa TUPAD Program.

Nais naman ni Sec. Bello na madagdagan pa ng sampung piso ang 290 pesos na minimum wage sa Bicol Region upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa sa rehiyon.

Samantala, naglaaan naman ang Overseas Workers Welfare Administration ng limampung milyong piso pondo bilang tulong sa mga kamag-anak ng Overseas Filipino Workers na member ng OWWA.

500 pamilya ang inisyal na binigyan ng OWWA ng cash relief. Tatlong libong piso bawat pamilya para sa mga active member ng owwa at 1,500 pesos naman para sa mga inactive member.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,