Inihahanda na ng Department of Labor and Employment ang isasagawang jobs fair sa Qatar at Saudi Arabia.
Kaugnay ito ng mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na paauwiin na at bigyan ng trabaho ang mga Overseas Filipino Worker lalo na sa mga bansang talamak ang pang-aabuso.
Labing walong libong bakanteng trabaho sa Pilipinas ang bukas para sa mga Overseas Filipino Worker sa mga naturang bansa.
Wala pang nakatakdang petsa kung kailan gaganapin ang job fair ngunit target itong maisagawa sa lalong madaling panahon.
Samantala, isa pa sa mga pangunahing nireresolba ngayon ng kagawaran ang talamak na illegal recruitment. Nitong Enero lang, tatlong biktima ng Arabong illegal recruiter sa Dumaguete City ang lumapit sa DOLE.
Pinangakuan sila ng trabahong may malaking sweldo sa ibang bansa ngunit napag-alaman na suspendido ang lisensya ng recruitment agency nito. Sa ngayon nakakulong ang illegal recruiter sa city jail sa Dumaguete City.
Samantala, nakatakdang magpulong ngayong araw si Pangulong Duterte at ang ambassador ng Kuwait kaugnay ng ipinatupad na suspensyon sa pagpapadala ng mga OFW sa naturang bansa.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )