DOLE, itinangging ibinebenta ang OFW ID cards

by Radyo La Verdad | July 13, 2018 (Friday) | 4786

Limang taon na si Zipporah sa Singapore, sinisigurado niya na kumpleto ang kanyang mga dokumento dahil mahigpit ang Singapore sa mga pumapasok ng iligal sa kanilang bansa.

Aniya, iniaalok sa kanya ng Philippine Oversease Employment Administration (POEA) ang iDOLE card pero ayon sa kanya hindi na lamang siya kukuha.

Kalat na rin sa social media ang hinaing ng mga OFW kaugnay sa binabayarang fee para makakuha ng OFW card. Makikita sa isang post ng isang kababayan natin ang patunay na mayroon talagang bayad ang iDOLE card.

Ito ang ikinagagalit ni ACTS-OFW Partylist Representative Anicento Bertiz dahil pinagkakaperahan umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang dapat sana’y libreng ipinapamahaging OFW ID card.

Sinabi ni Bertiz na ibinibenta ng DOLE ang OFW ID card sa halagang P720 na dapat ay libre lamang na ibinibigay sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa labas ng Pilipinas.

Ang grupo nina Bertiz ang nag-donate sa naturang OFW cards bilang pasasalamat daw kay Pangulong Rodrigo Duterte. Binigyan-diin naman ng kongresista na walang silbi ang mga ID na ito sapagkat hindi naman ito “functional card.”

Sa isang pahayag, iginiit naman ng DOLE na ang mga employer ng mga OFW ang dapat magbayad sa iDOLE card.

Samantala, inaakusahan din ni Bertiz ang mga opisyal ng ahensya kabilang na si DOLE Sec. Silvestre Bello, pati rin si Assistant Sec. Kris Ablan ng Presidential Communications Opperations Office ng pagpapakalat aniya ng maling impormasyon laban sa kanya.

Ayon kay Ablan, sinabi umano ni Bertiz na wala namang nagagawa ang Duterte administration para sa mga OFW na mariin namang tinutulan ng mambabatas.

Hindi naman nagbigay pa ng pahayag si Ablan sa naturang isyu.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,