Naigawad na ng Land Transporation Office sa German Company na Trojan Computer Forms Manufacturing Corporation at JH Tonnjes Joint Venture noong December 1, 2017ang halos isang bilyong pisong kontrata para sa produksyon ng mga plaka ng sasakyan.
Ayon kay LTO Executive Dir. Atty. Romeo Vera Cruz, plano nilang masimulan ang distribusyon ng mahigit sa tatlong milyong backlog sa mga plaka sa March 2018.
Sakop nito ang mga motorista na nagparehistro ng kanilang mga sasakyan mula July 2016 hanggang December 2017.
Kasama sa unang batch ng maiisyuhan ng plaka ang nasa 1.7 million na motorsikloat mahigit sa 1.5 milyong iba’t-ibang uri ng mga sasakyan.
Bukod sa mahigit tatlong milyong backlog, tiniyak rin ng LTO na maiisyuhan na rin nila ng mga plaka ang mga motoristang magpaparehistro ng kanilang mga sasakyansa susunod na taon.
Ayon sa LTO, gagamit ng mga kakaibang security feature ang mga bagong plaka na kanilang ilalabas.
Sa kabila nito, siniguro ng LTO na wala silang ipatutupad na dagdag singil sa vehicle registration.
Samantala, hinihintay pa rin ng LTO ang resolusyong ilalabas ng Commission on Audit at Supreme Court kaugnay sa mahigit sa pitong daang libong mga plaka na naka-tengga pa rin matapos na bigong makapagbayad ng import duties ang dating supplier nito.
Muli ring tiniyak ng LTO na ginagawa nila ang lahat upang masolusyunan ang problema sa plate number ng mga bagong sasakyan.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )