Direktiba sa pagbiyahe sa labas ng bansa ng mga opisyal ng pamahalaan, inilabas ng Malakanyang

by Radyo La Verdad | January 4, 2018 (Thursday) | 2178

Isang memorandum mula kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang inilabas ng Malakanyang upang isa-isahin ang mga panuntunan na dapat sundin ng miyembro ng gabinete at mga pinuno ng mga ahensya, government owned and-or controlled corporations at government financial institutions para sa pagbyahe sa labas ng bansa.

Batay sa paalala, maaaring lumabas ng bansa ang opisyal o kawani ng pamahalaan kung kaugnay ito sa kaniyang mandato, hindi labis ang gagastusin, at kung may pakinabang para sa bansa.

Hindi naman maaaring mag-travel abroad ang sinomang government official o personnel, pang-personal man o hindi kung itoý walang travel authorization mula sa Office of the Executive Secretary, walang isinusumiteng leave form at kung maaapektuhan ang operasyon ng kaniyang opisina.

Obligado naman ang mga pinuno ng ahensya ng pamahalaan na magsumite every quarter sa Office of the President ng ulat hinggil sa mga pinayagan nilang magbiyahe sa labas ng bansa at report sa layunin, haba at halaga ng ginastos sa trip.

Ganito rin ang gagawing pag-uulat ng Department of the Interior and Local Government sa foreign trips ng mga local government officials.

Hinggil naman sa mga international conferences at conventions na dinaluhan abroad, dapat magsumite ang mga pinuno ng ahensya ng pamahalaan ng kanilang ulat at recommendations hinggil dito sa loob ng 30 araw. Ang hindi susunod sa mga panuntunang ito ay maaaring patawan ng administrative actions.

Samantala, may nakatakda namang pagbiyahe sa labas ng bansa si Pangulong Duterte ngayong taon. Magtutungo ito sa New Delhi, India ngayong buwan ng Enero para sa ASEAN-India Summit.

Bukod dito, posible ring magtungo ang punong ehekutibo sa mga bansang South Korea at Israel.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,