DICT, binago ang pamantayan sa pagpili ng bagong telco player sa bansa

by Radyo La Verdad | February 28, 2018 (Wednesday) | 3805

Isinantabi na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang P10-B requirement para sa bidding ng bagong third telco player sa bansa. Sa halip na investment, mas pagbabatayan ng DICT ang klase ng serbisyong maibibigay ng bagong telco sa loob ng limang taon.

Sa ikalawang consulatation meeting na isinagawa noong Martes, ipinaliwanag ng DICT ang mga terms of reference na kailangang masunod ng interesadong telco. Magkakaloob ng performance bond ang DICT sa bawat taon na magiging maganda ang serbisyo ng bagong telco.

Ayon kay DICT Usec. Eliseo Rio Jr., kailangang pumantay ito sa ganda ng serbisyo sa ibang bansa o world class service.

Kung sino ang makakapagbigay na pinakamagandang serbisyo, iyon ang siyang hihirangin na bagong telco player.

Kung mabigo ang telco na maibigay ang magandang serbisyo, ibibigay ang karapatan sa second highest bidder.

Kompyansa naman ang ibang telco na kaya nilang maibigay ang magandang serbisyo sa publiko.

Pero hindi daw maiiwasan na kailangan talaga ng malaking halaga para sa magandang serbisyo.

Samantala, pumayag naman si Pangulong Duterte na sa May 24 na ang deadline ng submission of bids sa pakiusap ng mga telco, sa halip na sa Marso.

Inaasahan na sa unang linggo ng Hunyo ay may maihihirang nang bagong telco player na siyang bubuwag sa duopoly ng industriya ng telekomunikasyon sa bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,