DICT at PNP, aminadong mahirap mapigilan ang mga text scams

by Radyo La Verdad | December 8, 2022 (Thursday) | 22612

Aminado ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang PNP na mahirap na agad na mahuli ang nasa likod ng talamak na text scam.

Masigasig pa rin sila sa pagpapadala ng mga mensahe na nagsasabing may napanalunan sa isang raffle o ‘di kaya naman ay nag-aalok ng trabaho na may malaking sweldo.

Ayon sa PNP, malalakas ang loob ng mga scammer dahil alam nilang hindi agad-agad sila mati-trace ng mga awtoridad lalo na kung gumagamit sila ng prepaid sim.

“Kailangan po kasing dumaan sa legal na proseso hindi natin basta-basta pwedeng malaman po ‘yan, lalong lalo na ‘yung mga pre-paid accounts, napaka-hirap po talagang i-trace niyan pero doon po sa mga coordination natin ay dumadaan po tayo sa DICT, sa korte para mag request po tayo ng mga search warrant to examine po ‘yung mga digital data,” PCOL. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.

Sinabi pa ni Col. Fajardo na saka pa lamang maaaring kumilos ang PNP upang malaman kung sino ang nasa likod ng text scam kapag naaprubahan na  ng korte ang hiniling nilang search warrant.

Sa ngayon ang implementasyon ng simcard registration law ang hinihintay ng mga awtoridad para mapigilan na ang text scams.

“Once na-register na ang sim, mahihirapan itong mga sindikato na gamitin ito. Marami silang humanap ng ibang paraan, at hindi ko ida-divulge dito kung ano yung mga ibang paraan diyan pero at least itong modality po, gagamitin nila itong sim card eh mapuputol po natin. At ‘yan po ay isang magandang panukala at susuportahan natin ‘yan,” pahayag ni Sec. Ivan John Uy, DICT.

“Through this sim card registration ay may accountability po dito po sa mga gumagamit po ng simcards and of course on the side of the law enforcement agencies ay napakalaking tulong po nito para matulunagn kami na mai-track down ‘yung mga perpetrators ng crimes committed through the used of cellphones, through online,” dagdag ni PCOL. Jean Fajardo.

Noong Lunes, nagsagawa na ng public consultation ang National Telecommunications Commission para sa napipintong pagpapatupad ng naturang batas. At inaasahan na mailalabas na ang Implementing Rules and Regulations nito sa lalong madaling panahon.

Ngunit habang hindi pa naipatutupad ang sim card registration law, puspusan ang paalala ng PNP sa publiko na huwag basta basta maniniwala sa mga natatanggap na text messages na nag -aalok ng kung ano ano lalo na kung galing ito sa hindi kakilala upang hindi mabiktima ng scam.

Lea Ylagan | UNTV News

Tags: , ,