DFA, nagsagawa ng multi-sectoral forum sa La Union kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea

by Radyo La Verdad | April 8, 2016 (Friday) | 2325

TOTO1
Isang multi-sectoral forum ang idinaos ng Department of Foreign Affairs sa San Fernando City, La Union.
Layunin nito na maipabatid sa ating mga kababayan ang isyu sa West Philippine Sea, ang karapatan ng pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo at mga hakbang na isinasagawa sa usapin.

Sa presentasyon ni Foreign Affairs Spokesperson, Assistant Secretary Charles Jose, ipinaliwanag niya ang sovereign rights ng bansa sa teritoryo sa ilalim ng 1982 United Nations convention on the laws of the sea.

Idinetalye rin ni Asec.Jose ang UNCLOS Maritime Entitlements ng bansa gaya ng archepelagic baselines, exclusive economic zone at juridical continental shelf kumpara sa iginigiit na entitlement ng bansang Tsina batay sa kanilang nine-dash-line map.

Tinalakay rin sa forum ang ginagawang harassment ng Chinese Coastguard vessels sa mga Pilipinong nangingisda sa Scarborough Shoal at kung paano sila mapapangalagaan ng pamahalaan.

Una nang naghain ng reklamo ang Pilipinas sa United Nations Arbitral Tribunal ukol sa malawakang reclamation activities ng China sa West Philippine Sea.

Ngunit sa halip na humarap sa korte, itinuloy pa rin nito ang paggawa ng artificial islands at kahapon nga ay sinimulan na nito ang operasyon sa lighthouse sa Subi Reef.

Bukod pa ito sa dalawa pang lighthouse na itinatayo sa Calderon o Cuarteron at Mabini o Johnson South Reefs.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry, ang lighthouse ay itinayo upang maseguro umano ang safety and freedom of navigation para sa commercial users ng karagatan.

Magugunitang sa lugar na ito nagsagawa ng sea patrol ang Estados Unidos na ikinagalit ng China noong Oktubre 2015.

Samantala, nakatakda namang magpulong sa araw ng linggo sa Japan ang group of 7 countries, na itinuturing na pinakamalalaking industrial nations sa mundo, at inaasahang tatalakayin ang maritime disputes at security sa Asya.

Ito ay bilang tugon sa aggressive military posture ng China sa West Philippine Sea.

(Toto Fabros / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,