Dept. of Agriculture, naghanda ng P100-M ayuda para sa mga magsasakang naapektuhan ng pagputok ng Mayon

by Radyo La Verdad | January 30, 2018 (Tuesday) | 4143

Tinayang nasa mahigit isang daang milyong piso na ang kabuuang pinsala sa agrikultura ng Bulkang Mayon sa Albay. Kabilang dito ang pinsala sa mga pananim at maging sa mga hayop o live stock.

Ayon kay Department of Agriculture Secretary Manny Piñol, nakahanda na ang isang daang milyong pisong quick reaction fund na ayuda para sa mga magsasaka.

Ang lokal na pamahalaan ang siyang tutukoy kung sinu-sino ang dapat mabigyan ng cash assistance. Bukod dito, magpapautang rin ang DA sa mga magsasaka na mangangailangan pa ng dagdag pang puhunan.

Ayon kay Piñol, walang interes ang pautang na aabot hanggang sa dalawangpung libong piso. Lahat ng magsasaka na nagtatanim malapit sa paanan ng Mayon ay tuturuan ng DA ng isang bagong teknolohiya.

Ayon kay Piñol, gagayahin nila ang green house technology upang makatagal ang mga pananim sa tuwing mayroong aktibidad ang bulkan.

Ngayong linggo ay sisikapin ng DA na matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka gaya ng ipinagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,