Deployment ban ng OFW sa Kuwait, permanente nang ipatutupad – Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | April 30, 2018 (Monday) | 2591

Inako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang responsibilidad sa namuong tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait bunga ng kontrobersyal na rescue mission ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait.

Nilinaw din ng punong ehekutibo na wala siyang sama ng loob sa naging desisyon ng Kuwaiti government na pauwiin si Philippine Ambassador Renato Villa at nananatili aniya ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa naturang bansa.

Gayunman, inihayag ng pangulo na gagawin nang permanente ang pagbabawal ng pamahalaan sa magpadala ng mga manggagawang Pilipino sa Gulf state.

Ito ang kaniyang inanunsyo pagdating sa Pilipinas noong linggo mula sa 32nd ASEAN leaders meeting sa Singapore.

Ayon sa pangulo, walang problema kung nais manatili sa Kuwait ang mga Pilipinong professional workers sa bansa, ngunit hinikayat niya ang mga ito na umuwi na lang sa Pilipinas.

Handa aniya ang pamahalaan na gamitin ang emergency fund ng bansa gayundin ang kulang limang bilyong pisong pondo mula sa China para maiuwi ang mga distressed Filipino worker na nasa mga temporary shelter.

Hihingan niya rin ang tulong ng ibang bansa bilang ibang opsyon na puntahan ng mga OFW tulad ng China.

Ilang kritiko naman ng administrasyon ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa pahayag na ito ng pangulo tulad nina Magdalo Part-list Representative Gary Alejano at Sen. Risa Hontiveros.

Ayon sa mga ito, hindi dapat magpadalos-dalos ang pangulo sa mga ganitong pahayag.

 

( Marisol Montaño / UNTV Correspondent )

Tags: , ,