Deployment ban ng OFW sa Kuwait, mananatili sa kabila ng pagkakaaresto sa mga employer ni Joanna Demafelis — Malacañang

by Radyo La Verdad | February 27, 2018 (Tuesday) | 2534

Ikinatuwa ng Malacañang ang magkasunod na pagkakadakip sa mga employer ni Joanna Demafelis, ang Filipina domestic helper na natagpuan ang mga labi sa isang freezer sa isang inabandong apartment sa Kuwait. Sila ang mga pangunahing suspek sa karumaldumal na pagpaslang sa OFW.

Pero ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi ito sapat na dahilan para bawiin ang ipinatupad na deployment ban ng mga OFW sa Kuwait.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa February 28 pa nakatakdang magtungo sa Kuwait ang technical working group ng kagawaran na makikipagpulong sa Kuwaiti government kaugnay sa isinunusulong na memorandum of understanding na magbibigay proteksyon sa mga manggagawang Pilipino.

Samantala, tukoy na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang recruitment agency ni Joanna. Ito ay ang Our Lady of Mt. Carmel Global na nasa room 406 MRS Building, Mabini St. Ermita Manila.

Subalit sarado na ito nang puntahan ng mga tauhan ng CIDG. Pinaiimbestigahan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga recruiter ni Joanna.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , , ,