DepEd-Zamboanga City, tiniyak na handa na sila sa pagpasok ng mahigit 10,000 Senior High School students ngayong Hunyo

by Radyo La Verdad | May 25, 2016 (Wednesday) | 1488

DANTE_DEPED
Positibo ang Department Of Education Zamboanga City division na kaya nilang i-accommodate ang lahat ng senior high school students na papasok sa muling pagbubukas ng klase ngayong Hunyo a-trese.

Ayon kay Dr. Mildred Dayao, ang curriculum implementation chief ng DepEd Zamboanga City division, aabot sa mahigit sampung libong estudyante ang papasok sa grade 11 kasabay ng full implementation ng K to 12 program ngayong school year.

Bagaman batid nilang may mga problema silang posibleng kaharapin sa class opening, hindi umano mahirap ang gagawing implementasyon sa programa sa lungsod dahil bukod sa matagal na nila itong pinaghandaan ay marami ding private schools ang nag-alok na tumanggap ng senior high school students.

Naniniwala rin ang DepEd na magtatagumpay ang K to 12 program sa ilalim ng administrasyon ni Presumptive President-Elect Rodrigo Duterte dahil maganda naman ang layunin ng programa para sa basic education.

Samantala, sa susunod na linggo ay muling magsasagawa ang DepEd ng training at seminars para sa mga guro na magtuturo sa senior high school bago ang nakatakdang pagbabalik-eskuwela sa June 13.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,