Dengvaxia, dumaan sa masusing pagsusuri bago gamitin sa Immunization Program- former Pres. Aquino

by Radyo La Verdad | December 14, 2017 (Thursday) | 3493

Dumipensa si dating Pangulong Benigno Aquino III sa pagbili at pag-aadminister ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia sa ilalim ng National Immunization Program ng kaniyang administrasyon.

Ayon sa dating Pangulo, tungkulin ng pamahalaan na siguraduhin ang kaligtasan ng mamamayan at sa tingin niya ay hindi marapat na ipagkait sa mga ito ang naturang bakuna lalo na sa mga higit na nangangailangan. Wala din naman aniyang tumutol dito noon at iginiit na dumaan ito sa masusing pagsusuri bago gamitin.

Sinagot rin ni Aquino at dating Budget Secretary Florencio Abad kung bakit napabilis ang procurement ng Dengvaxia.

Samantala, inamin ng dating Pangulo na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur noong December 2015 sa Paris kasabay ng pagdalo sa Climate Change Conference.

Ayon naman sa mga health expert at siyentipiko, hindi maaaring isisi sa sinomang opisyal ang tungkol sa Dengvaxia. Muli ring idinepensa ni dating Health Secretary Janet Garin ang pagbili sa mga naturang bakuna.

Bago naman natapos ang pagdinig ay ibinunyag ni dating Health Secretary Paulyn Ubial may kongresistang nagpressure sa kaniya upang ituloy ang immunization program sa kabila ng kaniyang pagtutol sa anti-dengue vaccines.

Sa ngayon ayon kay Health Secretary Francisco Duque, gumagawa na sila ng hakbang upang mamonitor na mabuti ang mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Maging ang World Health Organization ay nagsasagawa ng pagaaral sa mga datos tungkol sa Dengvaxia.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,