Dec. 31 deadline ng franchise consolidation ng PUVMP, tuloy na – PBBM

by Radyo La Verdad | December 13, 2023 (Wednesday) | 2551

METRO MANILA – Dismayado ang transport group na Piston sa naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior, na tuloy na sa darating na December 31 ang deadline ng franchise consolidation ng mga tradisyunal na jeep.

Sa post ni PBBM sa social media platform na X, sinabi nito na nakausap na niya ang mga transport office officials at napagdesisyunan na hindi na palalawigin pa ang deadline.

Ayon sa pangulo, 70% na ng mga operator ang tumugon sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Para kay PBBM, hindi na dapat pang maantala ang programa dahil mayora naman ng mga operator, bangko, financial institutions, maging ang publiko ay sang-ayon dito.

Ayon naman kay Piston National President Mody Floranda, nangangahulugan lamang ito na talagang hindi nakikinig ang gobyerno sa kanilang mga hinaing kahit pa magdudulot ito ng transport crisis.

Sa 30% aniyang naiiwan na mga unconsolidated franchise, karamihan sa mga ito ay mga tradisyunal na jeep na bumibyahe sa National Capital Region (NCR).

Kaya naman kung tuluyan silang mawawalan ng karapatang bumiyahe, libo-libong mga tsuper aniya ang mawawalan ng trabaho at libo-libong mga pasahero rin ang mawawalan ng masasakyan.

Dahil dito, hindi na magpapaawat ang grupo, at itutuloy na ang 2 araw na nationwide transport strike na gagawin sa December 14 at 15.

Samantala, para naman sa United Transport Consolidated Entities of the Philippines, sangayon sila na hindi na ma-extend pa ang deadline lalo’t 2017 pa nasimulan ang programa at ilang ulit na rin itong pinalawig.

Dapat na anilang magkaroon ng pagbabago sa mga pampublikong transportasyon upang makapaghatid ng maayos at mas komportableng biyahe sa mga pasahero.

(JP Nunez | UNTV News)


Tags: ,