DBM, tiwalang hindi mag-ooverspending sa taong 2018 kahit lumagpas na sa target spending sa unang quarter

by Radyo La Verdad | May 31, 2018 (Thursday) | 5696

Tumaas ang government spending o paggastos ng pamahalaan ngayong buwan ng Abril sa halos 43 percent. Doble ito sa ginastos noong Abril 2017.

Ang 65.6 bilyong piso na ginastos sa nakalipas na buwan ay para sa mga proyektong pang imprastraktura at capital outlay projects sa mga state universities and colleges at construction ng police stations at pagbili ng mga equipment.

Bagaman overspending na ang pamahalaan sa first quarter ng taong ito, tiwala si Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi hihigit sa nakalaang pondo ang magagastos ng national government para sa buong taon.

Samantala, ayon kay Diokno, hindi malalayo sa 2018 national budget ang panukalang pambansang pondo para sa taong 2019. Ito ay dahil cash-based budgeting na simula sa susunod taon.
Sa ilalim nito, dapat lamang na magpropose ang mga government agency ng proyektong maaaring maipatupad o matapos sa taong 2019, at ito lamang ang popondohan ng pamahalaan.

Ngayong 2018, 3.767 trilyong piso ang kabuoang national budget. Sa susunod na linggo, nakatakdang magsagawa ng executive review ng lahat ng budget proposals bago ito ipresenta kay Pangulong Duterte.

Isusumite ng Duterte administration sa Kongreso ang proposed 2019 national budget sa ika-23 ng Hulyo, sa araw mismo ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,