DBM, tiniyak na may mapagkukuhanan ng pondo para tulungan ang mga repatriated OFW mula Kuwait

by Radyo La Verdad | February 15, 2018 (Thursday) | 2470

May nakalaan nang pondo sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para sa mga repatriated Overseas Filipino Workers mula sa Kuwait. Ito ay matapos na ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait at ang pagpapauwi sa mga Pilipinong inaabuso ng mga Kuwaiti employer.

Pagtitiyak ni Budget Secretary Benjamin Diokno, sakaling kulangin, handa ang gobyernong maghanap ng ibang mapagkukunan ng pondo para sustentuhan ang financial assistance sa mga repatriated OFW.

Malaki rin aniya ang naitulong ng libreng pamasaheng ibinigay ng dalawang malaking airlines sa bansa para sa mga OFW.

Kahapon, binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang gastusin ang pondo ng pamahalaan para tulungan ang mga OFW galing Kuwait.

Una nang nagkaloob ang pamahalaan ng 20 libong pisong livelihood assistance at limang libong pisong cash assistance sa mga OFW na nakabalik na ng bansa mula sa Kuwait.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,