Naglabas ng P1,041,966,000 na pondo ang Department of Budget and Management para sa pagpapatupad ng ilang proyekto ng Department of Energy.
Magagamit ang pondo para sa proyektong Nationwide Intensification of Household Electrification (NIHE) at Household Electrification Program(HEP) ng DOE sa mga liblib na lugar na gumagamit ng renewable energy gaya ng solar-powered home systems.
Sa ilalim ng naturang proyekto, target ng DOE na mapailawan ang hindi bababa sa apat na put limang libong mga bahay sa pagitan ng 2015 at 2017.
Ito ay sa pakikipagtulungan na rin ng ilang electric cooperatives.
Ayon kay Budget Secretary Butch Abad, makakatulong ito para maabot ang target nitong 90% household electrification sa mga liblib na lugar bago dumating ang 2017.
Ayon sa kalihim, malaking bahagi aniya ng 2016 budget ay inilaan sa social at economic services.
Kabilang aniya dito ang pagpapailaw sa mga liblib na lugar.
Ani Abad, nagawang mailaan ng DBM ang pondo para sa kapakanan ng mga nangangailangang komunidad dahil sa tamang pangongolekta at paggastos ng pondo ng gobyerno.
“About P65 in every P100 of the 2016 budget is allocated for social and economic services, among these services are important community amenities, such as power for lighting and appliances in rural areas. Because the government has improved the way public funds are collected, allocated, spent, and accounted for, we are able to ensure that the budget directly benefits individual citizens,” Ani Abad
(Jerico Albano / UNTV Radio Correspondent)