Naniniwala si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na patuloy na igagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang personalidad kasunod nang tuluyan nitong pagbabalik sa pribadong buhay.
Nilinaw din ni Roque na wala siyang sama ng loob at pagsisisi sa pagiging tagapagsalita ng Duterte administration at in good terms pa rin sila ng punong ehekutibo.
Ginawa nito ang pahayag nang magpaalam sa mga tauhan ng media sa Malacañang kahapon.
Inamin din ni Roque na kaya niya hindi tinanggap ang alok na pwestong press secretary sa kaniya ng Pangulo dahil sa kakulangan nito ng karanasan at training.
Binigyang-diin din nito na ngayong balik na siya sa pribadong buhay, magagawa na niyang ipahayag ang kaniyang sariling mga paninindigan at opinyon.
Matapos na magkaroon ng personal na pakikipag-usap kay Pangulong Duterte Linggo ng gabi, nagdesisyon na si Roque na huwag nang tumakbo bilang senador.
Sa halip, susundin nito ang payo ng Pangulo na bumalik na lamang sa Kamara at tumakbo bilang first nominee ng isang environment party-list, ang Luntiang Pilipinas Party-list.
Si Ciara Sotto, anak ni Senate President Tito Sotto, ang second nominee ng naturang party-list.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Atty. Harry Roque, Malacañang, Pangulong Rodrigo Duterte