Dating Pang. Noynoy Aquino, sasampahan ng kaso kaugnay sa isyu ng Dengvaxia

by Radyo La Verdad | February 6, 2019 (Wednesday) | 7485

FILE PHOTO: President Benigno Aquino III (PCOO)

MANILA, Philippines – Sasampahan ng kasong graft, technical malversation at grave misconduct si dating Pangulong Noynoy Aquino base sa draft committee report na ipinasa sa House Committee on Good Government and Public Accountability.

Kasama ring kakasuhan sila dating Budget Sec. Butch Abad at Dating Health Sec Janet Garin.

Iba-iba ang naging reaksyon ng mga House Panel sa nasabing Dengvaxia Controversy.

Ilan sa mga myembro ng House Panel ang kumukwestiyon sa draft committee report. Isa na rito si Dinagat Rep. Kaka Bag-ao na nagsabing hindi napatunayan na may nilabag na batas ang mga nasabing personalidad.

Samantalang iba naman ang naging pahayag ni Committee Chairman Xavier Romualdo. Ayon sa kanya, malinaw na lumabas sa imbestigasyon ang mga krimeng nagawa ng mga nabangit na opisyal. Sa kanyang pahayag, sinabi niyang may sabwatan umanong nangyari sa pagbili ng Dengvaxia Vaccine.

Bukod sa wala pa talagang Certificate of Product Registration ang Dengvaxia, ito ay hindi pa talaga napatutunayang ligtas gamitin.

Dagdag pa rito, mali rin umano ang paggamit ng pondo ng pamahalaan lalo na ang pag-apruba ni Aquino sa paggamit ng P3.5 bilyon na ipinambili ng Dengvaxia Vaccine noong 2015.

Ilang Kongresista naman ang umapela at humiling sa Kumite na isama ang kumpanyang Sanofi Pastuer sa mga dapat sampahan ng kaso.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagdinig ng Kumite sa nasabing Draft Committee Report.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , ,