Dating DOTC Sec. Jun Abaya, handang harapin ang isasampang kaso kaugnay ng anomalya sa MRT 3 maintenance deal

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 14483

Nakitaan ng probable cause ni Ombdudsman Conchita Carpio Morales para sampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si dating Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya at 16 na iba pa.

Ito’y kaugnay sa umano’y maanumalyang MRT3 maintenance contract na pinasok ng DOTC at Busan Joint Venture noong Enero 2016.

Base sa imbestigasyon ng special panel of investigators, pinaboran ng DOTC sa pagkuha nito bilang maintenance provider ang Busan Joint Venture samantalang hindi naman ito kuwalipikado.

Lumabas din sa ulat ng Commission on Audit (COA) na bigo ang DOTC na bigyan ang publiko ng ligtas at komportableng transport system kahit naideliver na ang 48 bagong bagon noong Agosto 2015 hanggang Enero 2017 na nagkakahalaga ng halos 3.8 bilyong piso.

Mahigit limang daang milyon na ang naibigay ng pamahalaan sa Dalian pero hindi pa rin napapatakbo ng maayos ang mga bagon.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng abogado ni Abaya na ikinadismaya ng dating kalihim ang naging resolusyon ng Ombudsman sa kabila nang malinaw aniya na walang basehan ang sinampang reklamo ng DOTr.

Gayunman tiniyak din ng dating opisyal na handa syang harapin ang anomang kaso na isasampa laban sa kanya.

Samantala, hindi pa rin nakakakuha ng kopya ng desisyon ng Ombudsman ang BURI, subalit tiniyak ng mga ito na pag-aaralan nilang mabuti ang kanilang depensa sa kaso.

Tags: , ,