Dating Bucor Director Franklin Bucayu, 3 pang kapwa-akusado ni Sen. Leila de Lima, ipinaaaresto na ng Muntinlupa RTC

by Radyo La Verdad | November 28, 2017 (Tuesday) | 3312

Iniutos na ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 ang pag-aresto kay dating Bureau of Corrections Director Franklin Bucayu at tatlo pang kapwa akusado ni Sen. Leila de Lima. Bukod kay Bucayu, ipinaaaresto na rin si Wilfredo Elli, Joenel Sanchez na dating bodyguard ni de Lima at si Jose Adrian Dera na isa umano sa mga bagman noon ng mambabatas.

Sa kautusang inilabas ni Judge Patria Manalastas de Leon, nakitaan ng probable cause ng korte upang arestuhin sina de Lima sa kasong illegal drug trading. Walang piyansang inirekomenda para sa mga akusado. Pero dahil nakakulong na si de Lima at dating driver bodyguard na si Ronnie Dayan, itinakda na lamang ang arraignment ng dalawa sa December 8, alas 8:30 ng umaga.

Sa Bilibid naman, babasahan ng sakdal sa December 12, alas dos ng hapon ang high profile inmate na si Jaybee Sebastian na kapwa akusado rin ni de Lima. Paliwanag ng Korte, wala nang saysay ang pagtutol nina de Lima at Bucayu sa jurisdiction ng RTC matapos itong pagtibayin ng Korte Suprema kayat marapat lamang na ituloy na ang paglilitis sa kaso. Aapela naman ang kampo ni de Lima sa kautusan ng Muntinlupa RTC.

Ayon sa abogado ni de Lima, inaasahan nila na babaguhin ng prosecution ang demanda laban kay de Lima, gaya ng ginawa sa dalawa pang kaso nito.

Nag-ugat ang ikatlong kaso laban kay de Lima sa umano’y pagkunsinti nito sa talamak na bentahan ng droga sa Bilibid mula 2013 hanggang 2015.

Sinasabing nakatanggap si de Lima ng 70 million pesos mula sa mga high profile inmate galing sa pinagbentahan ng iligal na droga.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,