Dating barangay kagawad sa Maynila, patay sa pamamaril ng isang motorcycle rider criminal

by Radyo La Verdad | August 23, 2018 (Thursday) | 2862

Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Santa Cruz, Maynila pasado alas dos ng hapon kahapon.

Kinilala ang biktima sa pangalang Julio Turla, singkwenta’y kwatro anyos, dating kagawad at kasalukuyang sekretarya sa Barangay 314.

Kita pa sa CCTV na nakatambay lang si Turla sa tapat mismo ng barangay hall sa kanto ng Teodora Alonzo Street at Lope De Vega Street. Ilang saglit pa ay dumating na ang suspek lulan ng motorsiklo at nakasuot ng helmet, bumaba ang suspek sa motorsiklo at lumapit kay Turla saka ito pinagbabaril.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng baril sa ulo at dibdib na dahilan umano ng agad nitong pagkamatay. Nadamay din sa pamamaril ang isang kwarenta y dos anyos na babaeng street vendor sa lugar na tinamaan ng bala sa kaliwang paa at agad na dinala sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente at inaalam ang motibo ng pamamaril.

Samantala, naaktuhan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang dalawang barangay tanod na nagtatalo kaugnay ng dami ng nabiling shabu sa kanto ng F. Muñoz Street at Zobel Roxas sa Malate, Maynila bandang alas singko ng hapon kahapon.

Kinilala ang dalawang suspek na sina Abel Omugtong, kwarenta anyos at Eugenio Salanova, kwarenta y sais anyos, parehong tanod sa Barangay 787.

Kasama ng mga ito ang isa pang drug suspect na si Paul Villanueva, kwarenta y singko anyos at isang parking personnel.

Ayon sa mga otoridad, dumayo ang mga suspek sa lugar upang bumili ng droga. Gamit pa ng dalawang tanod ang tricycle na pagmamayari ng barangay at ginagamit sa pagpapatrolya ng mga kawani nito. Nakuha sa mga suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu.

Nasa kustodiya na ng Malate Police Station ang mga suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: ,