Dalawang nasugatan sa pagbangga ng jeep sa truck sa Bulacan, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team at PDRRMC Bulacan

by Radyo La Verdad | May 10, 2017 (Wednesday) | 7856


Umiiyak sa sakit ang bente otso anyos na si Richard Acosta nang madatnan ng UNTV News and Rescue Team.

Naipit sa driver seat si Acosta nang bumangga ang sinasakyan niyang pampasaherong jeep sa nakaparadang delivery truck sa Brgy. Borol First, Balagtas, Bulacan kaninang alas tres ng madaling araw.

Duguan naman ang isa pang pasahero na si Epifanio Editha na nagtamo ng malaking hiwa sa ulo at iniinda ang pananakit ng katawan.

Nilagyan ng UNTV Rescue ng oxygen si Acosta dahil sa nahihirapan na itong huminga.

Ang Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Council naman ang nag-alis sa kanya sa pagkakaipit gamit ang extricating machine.

Matapos lapatan ng first aid ay inihatid na ng UNTV Rescue ang mga biktima sa Bulacan Medical Center.

Ayon sa nakasaksi, mabilis ang takbo ng pampasaherong jeep bago mangyari ang aksidente.

Pinaghahanap na ng Balagtas PNP ang jeepney driver na si Ramil Manalad na posibleng maharap sa patung-patong na kaso.

(Nestor Torres)

Tags: , , , ,