Pinaalalahanan ni Pangulong Aquino ang mahigit sa dalawang daang kadete na nagsipagtapos sa Philippine National Police Academy sa Camp General Mariano Castañeda, Silang Cavite ngayong araw.
Sa talumpati ni Pangulong Aquino sa 37th Commencement Exercises ng ‘Masundayaw’ Class ng 2016, binigyang diin ng Pangulo sa mga ito na huwag umanong ipagpapalit ang kanilang natutunan sa akademya sa anumang panunuhol.
Gaya aniya ito ng pera at promotion sa serbisyo.
“Kung abutan kayo ng sobre kapalit ng inyong dangal, magpapabili ba kayo? Kung may napangakong promotion kapalit ng inyong pananahimik, sa harap ng katiwalian o pang-aabuso, tatanggapin ba ninyo? Kung pinapili kayo: bayan o sarili, alin ang uunahin ninyo?”
Naniniwala aniya ang Pangulo na nahubog ng husto ang pagkatao ng mga ito sa akademya para maging tapat na lingkod bayan.
“Tiwala akong nahubog kayo nang husto ng PNPA upang manatiling tumatahak palagi sa Daang Matuwid.” Pahayag ni Aquino.
Tiniyak naman ng Pangulo sa naturang mga kadete ang mas maayos na kawani ng gobyerno na pagsisilbihan ng mga ito dahil mga makabagong kagamitan kumpara sa mga nakaraang administrasyon.
“Sa Daang Matuwid, nagpatupad tayo ng reporma; idiniin natin na ang mga nagtatanggol at nagmamalasakit sa taumbayan ay dapat ding protektahan at arugain ng Estado. Sa panata nating “Walang maiiwan sa kaunlaran,” kasama kayong nasa unipormadong serbisyo.”
Pinalalalahanan din ng Pangulo ang mga ito na magpasakop sa kanilang magiging mga opisyal sa pamahalaan.
Ang mayorya sa mga magtatapos o ang 215 ay sasabak sa PNP, 22 sa Bureau of Jail Management and Penology habang 16 naman ay papasok sa Bureau of Fire and Protection.
Magsisilbi ang mga ito bilang mga bagong Inspector ng nasabing mga kawani ng gobyerno.
(Jerico Albano / UNTV Radio Correspondent)
Tags: anumang suhol, Dalawang daan at limampu’t tatlong, Pangulong Aquino, PNPA