Dagdag-singil sa tubig sa susunod na 5 taon, aprubado na ng MWSS

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 3666

Kumikita kahit papaano ang tindang ice water ni Aling Lourdes lalo na at malapit sa basketball court ang kanyang maliit na tindahan. Pero kahit tataas ang singil sa tubig sa susunod na linggo, wala pa siyang balak magtaas ng presyo ng ice water.

Pero kung mapapansin niya na talagang maaapektuhan ang kanilang budget dahil sa dagdag-singil sa tubig, pinag-iisipan niyang ihinto na ang pagbebenta ng ice water at mag-isip ng ibang pagkakakitaan.

Nasa 1,500 hanggang 2,000 piso ang bill nila sa tubig kada buwan at kailangan niyang magcost-cutting upang makabayad sa buwanang gastos.

Inaprubahan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang dagdag-singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water.

P5.73 kada cubic meter ang aprubadong dagdag-singil ng Maynilad habang P6.22 kada cubic meter naman sa Manila Water. Hahati-hatiin ng MWSS ang dagdag-singil sa loob ng apat na taon bago muling tumanggap ng aplikasyon para sa water rate hike sa taong 2022.

Ayon sa MWSS, mas mababa sa kahilingan ng Maynilad at Manila Water ang kanilang inaprubahang dagdag-singil. Hindi kasama sa water rate hike ang corporate income tax, ang gastos sa benepisyo ng mga empleyado at gastos para sa mga proyektong hindi pa nauumpisahan.

Pero ayon sa MWSS, hindi dapat maantala ang dagdag-singil ng dalawang konsesyonaryo dahil makaka-apekto ito sa kanilang mga proyekto.

Tutol naman ang ilang consumer group at sinabing hindi napapanahon ang dagdag-singil dahil sumabay pa ito sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Isang reklamo ang inihain ng Laban Konsyumer group sa hotline 8888 upang maaksyunan ang dagdag-singil sa tubig.

Kahit daw utay-utayin pa ang dagdag-singil, malaki pa rin ang epekto nito sa buhay ng mahihirap na Pilipino.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,