Dagdag na pondo ibibigay ng pamahalaan, sa mga apektado ng lindol sa Mindanao

by Erika Endraca | November 7, 2019 (Thursday) | 16996

METRO MANILA – Nakalabas na ng ospital ang 29 na biktima ng food poisoning sa Makilala, Cotabato. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakaramdam ng sakit ng tiyan at pagsusuka ang mga biktima mula sa evacuation center sa Barangay  Malabuan matapos makakain ng pastel na kasama umano sa ipinadalang donasyon sa lugar.

Upang maiwasan na maulit ang insidente, patuloy ang pagbabantay sa mga checkpoint upang masiguro ang kalidad ng mga pagkain na ipapamahagi sa mga evacuation center.

Nananawagan din ang ahensya sa mga donor na siguraduhing nasa ma-ayos na food packaging at hindi madaling mapanis ang kanilang mga ipapadalang pagkain.

Samantala, nakatakdang magbigay ng karagdagang pondo ang pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga lugar na lubhang napinsala ng lindol sa Mindanao.

Nagpunta  kahapon sa Kidapawan City Provincial Capitol sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Health Secretary Francisco Duque III upang tingnan ang sitwasyon sa lugar.

Ayon kay Lorenzana, may ilang alkalde ang humihingi na ng tulong dahil paubos na ang kanilang calamity fund. Ayon naman kay Secretary Año, maglalabas din ng pondo ang pamahalaan para sa pagbili ng mga lupa na magiging relocation site para sa mga nawalan ng tirahan.

Patuloy naman ang pagdating ng mga suplay ng mga pagkain at tubig sa North Cotabato. Samantala, nagbigay naman ng P2M halaga ng relief goods ang Philippine National Police (PNP) sa Makilala, North Cotabato.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,