Dagdag na kontribusyon ngayong taon, ipinagpaliban muna ng PhilHealth

by Erika Endraca | January 6, 2021 (Wednesday) | 10168

METRO MANILA – Bahagyang makakahinga sa nakaambang dagdag-hulog ang mga miyembro ng PhilHealth matapos na pansamantalang suspidihin ang pagtataas ng kontribusyon na uumpisahan sana ngayong buwan.

Sa isang pahayag, sinabi ni PhilHealth President and CEO Atty Dante Gierran na ito’y bilang pakikiisa sa layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibsan ang pasanin ng maraming mga Pilipino sa panahon ng pandemya.

Pagbibigay din ito ng panahon sa Kongreso para amiyendahan ang Universal Health Care Act of 2019 na siyang nagtatakda sa pagtataas ng kontribusyon.

Kung sakaling hindi aaksyon ang Kongreso sa usaping ito ay saka na ipatutupad ng PhilHealth kung anoman ang nakatakdang koleksyon na ayon sa batas.

“Kami ay umaasa na hindi naman yan magtatagal sa kongreso, nakita naman natin na ang mababang kapulungan at ang senado ay kahit sila ay sumusuporta sa panawagan ng Pangulong Duterte.” ani PhilHealth Spokesperson Rey Baleña.

Umaasa din ang ahensya na tutulungan sila para sa pagbibigay ng serbisyo.

“Kami naman ay umaasa ng suporta mula sa ating pangulo at sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para maibigay sa philhealth yung kinakailangang funding na dapat magegenarate nitong premium adjustment”ani PhilHealth Spokesperson Rey Baleña.

Sa ngayon ay may mga nakahain nang resolusyon at panukalang batas sa Kamara para sa pagpapaliban ng pagtataas ng kontribusyon sa PhilHealth.

Ayon kay Speaker Allan Velasco, nakahanda ang Kamara para rebisahin ang universal health care act na nagtatakda sa contribution hike.

(Rey Pelayo | La Verdad Correspondent)

Tags: