Dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo, ipatutupad ng mga oil company ngayong linggo

by Radyo La Verdad | December 10, 2018 (Monday) | 4905

Mapuputol na ngayong linggo ang walong linggong sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo. Ito ay matapos kumpirmahin ng ilang mga oil company na magpapatupad sila ng dagdag-bawas ngayong linggo.

Ayon sa industry players, magkakaroon ng dagdag na 40 sentimos kada litro ang presyo ng gasolina. Ngunit may rollback naman na 10 sentimos sa kada litro sa diesel at 45 sentimos kada litro sa kerosene.

Ipapatupad ng Shell, Seaoil at Petrogazz ang dagdag-bawas sa Martes habang hindi pa inaanunsyo ng iba ang kanilang price adjustment schedule.

Sa kabuoan, mas maraming beses pa rin na nagkaroon ng dagdag-presyo sa buong taon kumpara sa price rollback.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang dagdag-bawas ay epekto ng naganap na pagpupulong ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), kasama ang mga OPEC non-member countries. Pero ayon sa DOE, hindi pa ito ang tunay na epekto ng production cut ng oil exporting countries.

Maaaring mas maramdaman ang epekto nito kapag sinimulan na ang 1.2 million barrels per day production cut simula sa Enero 2019 hanggang Hulyo 2019.

Nagdesisyon ang OPEC na magbawas ng produksyon matapos na bumagsak ang presyo ng petrolyo sa world market dahil sa mataas na suplay ng langis.

Isa sa nagpataas ng supply ay ang bansang Estados Unidos na mula sa 2.5 million barrels per day noong 2016 ay tumaas sa 11.7 million bpd ngayong taon.

Ayon naman sa Russia na non-OPEC, magbabawas na sila ng 2% sa 11.4 million barrels per day na kanilang production araw-araw.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,